Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na maglabas ng kautusan para mapahintulutan ang mga konsyumer na utay-utayin ang pagbabayad ng kanilang bill ng kuryente.
Ito ay sa gitna ng biglaang pagtaas ng electricity bill ng maraming consumer.
Ipinunto ng mambabatas na dahil sa naranasang napakainit na panahon nitong summer ay nagkaroon ng pagsipa sa mga electricity bill.
Katunayan, ibinahagi ni Gatchalian na sa kanilang bahay mismo ay tumaas ng 50 percent ang kanilang bill sa kuryente.
Ipinunto ni Gatchalian noong panahon ng pandemya ay nagawa na ang pagpapahintulot ng installment na pagbabayad ng electricity bill nang walang interes, penalty at iba pang dagdag na charge.
Apela rin ng senador, sakaling payagan ito ay dapat hindi rin muna putulan ng kuryente ang mga konsyumer na magbabayad nang pautay-utay. | ulat ni Nimfa Asuncion