Nanindigan si Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi niya hahayaang magamit ang Senate hearings sa pamumulitika.
Ipinaliwanag ni Zubiri na mahalaga ang mga pagdinig ng Senado sa pagbuo ng mas epektibo na mga batas para sa bayan.
Dahil dito, kailangan aniyang tiyakin na magiging patas at base sa ebidensya ang mga pagdinig nila.
Partikular na tinukoy ng Senate President na kailangan ng ebidensya sa bawat pahayag ng mga resource person na iniimbitahan sa kanilang mga hearing at hindi lang pwedeng base lang sa sabi-sabi ang mga ipre-presenta sa kanilang mga pagdinig.
Kung hindi aniya ay mababahiran ang reputasyon ng Mataas na Kapulungan kung bibigyan nila ng platfor ang disinformation, fake news, o mga pahayag na walang ebidensya.
Sinang-ayunan naman ito ni Senador Jinggoy Estrada.
Parikular na tinutukoy ng senador ang testigo ng ginagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na si dating PDEA agent Jonathan Morales.
Ayon kay Estrada kung patuloy silang makikinig sa alibis at mga kasinungalingan ni Morales ay maaaring mawala ang kredibilidad ng kumite.
Kaya naman dapat aniyang i-vet ng maigi ang mga tatayong testigo sa mga pagdinig.
Samantala, tiniyak naman ni committee chairman Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na hindi siya nagpapagamit sa pulitika at nais lang niyang malaman ang katotohanan tungkol sa isyu. | ulat ni Nimfa Asuncion