Pinaalalahanan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ng mga senador na mag-ingat sa pagsasagawa ng mga Senate inquiry at huwag magpagamit para sa political witch hunt o political persecution.
Ang pahayag na ito ni Zubiri ay kasunod ng naging pagdinig ng Senate Committee on Public Order ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kung saan ang tumayong testigo ay nabigong makapagpresinta ng documentary evidence sa kanyang mga akusasyon.
Binigyang diin ni Zubiri na ang mga ginagawa nilang senate inquiry ay layong ilabas ang katotohanan sa pamamagitan ng ebidensya at facts.
Kung hindi kasi aniya ay mawawala ang tiwala ng taumbayan sa mga inquiries-in-aid of legislation ng Senado.
Ito lalo na aniya kung makakapag dulot ng pagkasira sa reputasyon ang akusasyon ng mga haharap na testigo.
Nilinaw ni Zubiri na nirerespeto niya ang karapatan ng mga Senate committee na gampanan ang kanilang oversight function.
Gayunpaman, dapat pa ring maging maingat at tiyakin ng bawat senador na maipre-preserba nila ang integridad ng kanilang constitutional duty na magsagawa ng imbestigasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion