Hinikayat ng mga miyembro ng Kamara ang Senado na i-adopt na lang ang kanilang bersyon ng panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law.
Ayon kay Taguig 2nd district Rep. Pammy Zamora dahil sa mayroon na lang 3 session days ang Kongreso, maigi na i-adop na lang ng Senado ang kanilang bersyon upang hindi na dumaan pa sa bicam ang panukala at mapabilis ang pagpapatibay nito bilang batas.
“Kahit na three days to go na lang, umaasa po kami na ‘yung aming mga Senate counterparts, ang wish namin, i-adopt na lang sana nila ‘yung House version para hindi na po kailangang dumaan sa bicam, and therefore, mas mapabilis ang pagpasa nitong pag-amyenda sa Rice Tariffication Law,” sabi ni Zamora.
Paalala naman nina Assistant Majority Leaders Jay Khonghun at Paolo Ortega na layunin lamang ng panukala na magkaroon ng sapat na suplay ng bigas sa abot presyong halaga.
“Nakikiusap tayo sa mga counterpart natin sa Senado na para din sa seguridad ng bigas sa bansa eh sana pag-isipan nilang mabuti at maipasa ang batas na ito,” sabi ni Khonghun
At dahil sa marami naman sa mga senado ang suportado ang pagpapababa ng presyo ng bigas sana ay agad na nilang askyunan ang panukala ani Ortega.
Muli namang iginiit ni Deputy Speaker David Suarez an ang amyenda sa RTL ay para sa food security at hindi usapin ng korapsyon sa NFA.
Kung sakaling maisabatas aabot sa kinse pesos ang maaaring mabawas aniya sa presyo ng kada kilo ng bigas.
“Kung maipasa po natin ito at maisabatas at ma-implement sa mabilis na panahon, mapapababa kaagad natin ang presyo ng bigas by almost P15. I think that in itself is an objective we should all be united for. So, I hope the Senate can act on that.” sabi ni Suarez. | ulat ni Kathleen Forbes