Naniniwala si Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing na may sapat na panahon pa ang Senado para pagtibayin ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law.
Ayon kay Suansing na pangunahing may-akda ng amyenda sa RTL, oras na masertipikahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang ‘urgent’ ang panukala ay mabilis na lang itong matatalakay at maipapasa sa Mataas na Kapulungan.
Martes nang aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang amyenda sa RTL habang kahapon din nang simulang talakayin ng komite sa Senado ang bersyon nila ng panukala.
“We’re hoping na kapag na-certify po ito ng ating Presidente as urgent, that would give them better flexibility in terms of their timelines in the Senate. We are very very hopeful, because once the President certifies this measure as urgent, kahit po next week kaya po nila yun maipasa dire-diretso,” sabi ni Suansing.
Muli rin nitong tiniyak sa mga kaibigang senador na pinag-aralang mabuti ng Kamara ang bersyon ng amyenda sa RTL.
Kaya hilig niya na pag-aralang mabuti ang mga probisyon nito upang maalis ang kanilang mga agam-agam.
Paalala pa ni Suansing na ang tanging layunin lang naman ng panukala ay mabigyang access ang mga Pilipino, lalo na ang mga pinakamahihirap, sa murang bigas at matulungan ang mga magsasaka na mapababa ang gastos sa produksyon.
“Wala po ngayong pagkakataon iyong pinakamahihirap na pamilyang Pilipino na makakuha ng access sa mas murang bigas…, again as principal author of the measure I appeal to our friends in the Senate to please, please, please, expedite the passage of this measure of this very very urgent and important measure. Because at the end of the day po our primary objective is to fold, one is to mabigyan po natin ng access iyong mga pinakamahihirap na mga pamilyang Pilipino sa mas murang bigas at pangalawa po ay matulungan natin iyong ating mga magsasaka na mapababa iyong cost of production nila,” sabi pa ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes