Aminado si Senate committee on Public Services chairperson Sen. Grace Poe na hindi nila maipapangako na maihahabol nila bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang pagtatatag ng Department of Water.
Ngayong araw, isinagawa ng kumite ang unang pagdinig tungkol sa naturang panukala.
Ayon kay Poe, hinihintay pa nila ang mga report at mga pag-aaral tungkol dito.
Gayunpaman, tiniyak ng senadora na ipapasa nila ang Department of Water bill sa Kongresong ito.
Sa naging pagdinig, ibinahagi ng Water Resources Management Board (WRMO) head Undersecretary Carlos Primo David na ang direktiba sa kanila ni Pangulong Marcos na bilisan ang pagbubuo ng isang water authority, anuman ang porma nito.
Sinabi aniya ng punong ehekutibo na napapanahon nang i-consolidate o i-streamline ang function ng lahat ng mga ahensya o opisina na may kinalaman sa pangangasiwa ng tubig.
Binahagi rin ng WRMO na inatasan sila ng Pangulo na hanapan ng paraan na mabigyan ng tubig ang mga island barangay sa bansa na walang direktang access sa suplay ng tubig.| ulat ni Nimfa Asuncion