Normal lamang kung ituring ng Philippine National Police (PNP) ang naging serye ng balasahan sa hanay ng kanilang matataas na opisyal.
Ito ang tinuran ni PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo sa harap ng sunud-sunod na balasahang ipinatupad ni PNP Chief, Police Gen. Rommel Francisco Marbil sa unang buwan ng kaniyang panunungkulan.
Paliwanag ni Fajardo, kaya nagkaroon ng balasahan ay bunsod na rin ng pagreretiro ng ilang mga opisyal at pagakakataon na rin ito para magkaroon ng career move sa hanay ng senior officials ng PNP.
Una nang sinabi ng PNP chief na bibigyan niya ng pagkakataon ang mga pulis na maipamalas ang kanilang husay sa pagganap sa kanilang tungkulin na angkop sa mga posisyong ibibigay sa kanila.
Kahapon, May 6, isang panibagong lipatan sa puwesto sa Senior Police officials ang ipinag-utos ni PNP Chief Marbil.
Magpapalit ng puwesto sina Police Maj. Gen. Robert Morico II at Police Brig. Gen. Wetrimundo Obinque bilang pinuno ng Directorate for Research and Development (DRD) at Directorate for Intelligence (DI).