Bahagyang nagdudulot ng pagbagal sa daloy ng mga sasakyan ang pagsisimula ng partial closure ng Southbound lane ng EDSA-Kamuning Flyover ngayong araw.
Pagbaybay ng EDSA malapit sa kanto ng Scout Borromeo may mga nakalatag nang mga barikada dahil sa ongoing na re-decking works na umabot ng isa’t kalahating lane kaya dalawang lane lang ang nadaraanan ng mga motorista
Tanging ang lane lamang din ng EDSA busway ang bukas at pinapahintulutang makadaan hanggang sa itaas ng tulay.
May naka-deploy namang enforcer na tumutulong sa pagmando ng trapiko habang ang ibang motorista naman ang kumakanan na sa Scout Borromeo.
Abala na rin ang mga construction worker na nagkakabit ng mga barrier at signages sa itaas ng tulay habang nakabalot na rin ang ilalim ng tulay at nakalatag na ang mga bakal para sa gagawing retrofitting.
Una nang sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tatagal ng anim na buwan ang gagawing repair o retrofitting sa flyover.
Ito ay upang pahabain pa ang bisa nito, at bilang paghahanda sa anumang kalamidad gaya ng malalakas na lindol.
Patuloy namang pinapayuhan ang mga motorista na iwasan ang nasabing lugar at gamitin ang Mabuhay Lanes para makarating sa kanilang destinasyon.
Magtatalaga rin ang Quezon City government at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga traffic enforcer at maglalagay ng traffic directional signages upang magabayan at umalalay sa mga dumaraang motorista. | ulat ni Merry Ann Bastasa