Hinimok ni Senate President Chiz Escudero ang gobyerno na itigil na ang pag-aanunsyo ng dami ng bigas na aangkatin ng bansa.
Paliwanag ni Escudero, isa kasi ito sa mga dahilan kung bakit tumataas lalo ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Nagiging hudyat kasi aniya ito para sa traders at retailers para taasan ang presyo ng bigas kaya pagdating sa merkado ay mas mataas na presyo rin itong nabibili ng publiko.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Escudero sa pag-aanunsiyo ng US Department of Agriculture (USDA) ng dami ng aangkating bigas ng Pilipinas, dahil sa tulong aniya nito ay naaalerto ang ibang mga bansa na mag-angkat rin ng marami na maaaring mauwi sa kakulangan ng suplay.
Apela ng senador, huwag na sana itong gayahin pa ng Pilipinas para maiwasan ang pagtatago ng suplay at pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado. | ulat ni Nimfa Asuncion