Umaasa si Senate President Juan Miguel Zubiri na masesertipikahan bilang urgent bill ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang P100 legislated wage hike na aprubado na ng Mataas na Kapulungan.
Paliwanag ni Zubiri, kung ang punong ehekutibo mismo ang magsasabi ay tiyak na kikilusan ng mga mambabatas sa Kamara ang naturang panukala.
Sa ngayon kasi ay hinihintay pa ang counterpart bill ng P100 legislated wage hike bill ng Kamara para umusad na ito at maiakyat sa Malacañang.
Kumpiyansa ang Senate leader, na kakayanin ng investors at mga negosyante ang dagdag P100 sa minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Bukod sa projection na bibilis ang recovery ng mga negosyante pagkatapos ng pandemya, ipinunto ng senador ang mga pinasa nilang tax measures na nagpababa sa income tax sa 25 percent mula sa 33 percent.
Kaya naman dapat lang aniyang ibahagi ng mga negosyante ang kanilang kita sa mga manggagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion