Nagpaabot ng pagbati at papuri si Speaker Martin Romualdez kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. matapos maselyuhan ang ilang mahahalagang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Brunei sa unang araw pa lang ng kaniyang state visit doon.
Ayon kay Romualdez ipinapakita nito na lalo pang lumalim ang bilateral relations ng dalawang bansa na pakikinabangan din ng mga Pilipino.
“President Marcos Jr. deserves our commendation for this significant diplomatic achievement. These agreements signify a promising future for our bilateral relations, fostering deeper cooperation and understanding between our countries,” sabi ni Speaker Romualdez.
“The Filipino people will undoubtedly benefit from these initiatives through enhanced tourism, improved maritime standards, and strengthened agricultural practices that would spur job creation and generate income opportunities,” dagdag niya.
Kabilang sa mga kasunduang nilagdaan ang Memorandum of Understanding sa turismo kung saan isusulong ang Islamic tourism at pagkakaroon ng Muslim-friendly destinations.
Naselyuhan din ang kasunduan kaugnay sa Mutual Recognition of Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) certificates at maritime cooperation.
Muli rin pinagtibay sa pamamagitan ng Letter of Intent ang ugnayan ng dalawang bansa sa food security at pagpapalakas sa agriculture sector. | ulat ni Kathleen Jean Forbes