Pinalawak na ng Social Security System (SSS) ang kanilang mga serbisyo para sa mga manggagawa sa Batangas.
Hindi na kailangang lumayo para sa mga transaksyon sa SSS dahil may mga bagong e-center na sa Lima Industrial Park at Lipa City Hall.
Ayon kay SSS President at CEO Rolando Ledesma Macasaet, layon nitong mas mapalapit ang serbisyo sa mga miyembro at mas maging convenient ang pag-aasikaso ng kanilang mga pangangailangan sa SSS.
Bukod sa e-centers, pinalawak din ng SSS ang kanilang KaSSSangga Collect Program para sa mga job order at contract of service workers sa Batangas State University, Tanauan City, at mga bayan ng Cuenca at Malvar.
Sa pamamagitan ng programang ito, magiging miyembro na rin ng SSS ang mga naturang manggagawa at magiging entitled na rin sila sa iba’t ibang benepisyo at loan privileges.
Samantala, nakipagpulong din ang SSS sa mga Overseas Filipino Worker, barangay official, pensioner, at iba pang stakeholders upang talakayin ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS at ang mga programa at serbisyong kanilang iniaalok. | ulat ni Diane Lear