Malaki ang pasasalamat ni Speaker Martin Romualdez sa pagtalima ni Finance Secretary Ralph Recto sa naging kasunduan ng mga House leader kasama ang Department of Finance (DOF) at Department of Agriculture (DA) na bawasan ang ipinapataw na taripa sa bigas.
Kasunod ito ng pulong nina Romualdez at Recto kasama rin sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., Customs Commissioner Bienvenido Rubio, at House Appropriations Committee Chair Zaldy Co ng Ako Bicol Party-list.
Nilalayon ng naturang hakbang na mapababa ang traders cost upang mabawasan din ang presyo ng bigas sa merkado na kasalukuyan ay nasa P50 kada kilo ang bentahan.
Sa paraang ito, mas magiging abot kaya ang bigas nang hindi naman dehado ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Siniguro naman ni Romualdez, na kahit bawasan ang taripa ay hindi maaapektuhan ang pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na pantulong sa mga magsasaka.
Katunayan ayon sa DOF hanggang nitong Abril, umabot na ang koleksyon ng taripa sa bigas sa P16 bilyon, sapat para sa itinakdang minimum requirement na P10 bilyon sa ilalim ng RCEF.
Nanawagan din si Romualdez para sa paghihigpit sa price control sa retail market para maiwasan ang manipulasyon ng presyo ng bigas.
Suportado rin ng House leader ang mungkahi ni Sec. Laurel, na dalhin sa pamilihan lalo na sa Kadiwa centers ang mura at sariwang isda, manok at iba pang produktong agrikultural.
“Our goal is to lower food prices while protecting local farmers and producers. We hope to do this by increasing local procurement and adjusting import tariffs,” sabi ni Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes