Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na “airtight” ang kasong kanilang isasampa laban sa suspek sa madugong road rage sa Ayala Tunnel sa Makati City kamakalawa.
Ito ang inihayag ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil makaraang lumabas ang resulta ng imbestigasyon hinggil sa baril na ginamit ng suspek para patayin ang nakagitgitang driver ng kulay puting Multi-Purpose Vehicle (MPV).
Ayon kay Marbil, bagaman mayroong License to Own and Possess Firearm (LTOPF) ang suspek, wala naman aniya itong Permit to Carry Firearms outside of residence (PTC).
Una rito, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Police Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nagtugma sa ballistic examination ang bala ng baril na ginamit sa krimen sa balang nakuha naman matapos maaresto ang suspek sa Pasig City kahapon.
Muli namang tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. ang mabilis na pagresolba sa kaso para maihatid ang katarungan sa pamilya ng biktima. | ulat ni Jaymark Dagala