Iniimbestigahan na ngayon ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation (SAICT) kung sino ang may-ari ng isang SUV na may nakakabit na “diplomat” plate na dumaan sa EDSA Busway kahapon.
Sa ulat ng SAICT na ipinabatid sa Radyo Pilipinas, nangyari ang insidente alas-5:09 ng hapon kahapon sa bahagi ng EDSA-Ortigas northbound.
Pinara ng mga tauhan ng SAICT ang naturang SUV subalit sa halip na huminto ay nagdire-diretso ito patungong Santolan kung saan na-monitor ang SUV na mabilis pa rin ang takbo.
Dahil dito, hihilingin ng SAICT sa Land Transportation Office (LTO) ang pagpapalabas ng Show Cause Order sa SUV na may diplomat plate para mapanagot sa paglabag sa batas trapiko. | ulat ni Jaymark Dagala