Nagbabala ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa publiko na posibleng may aasahan pa ring taas-singil sa kuryente simula ngayong buwan.
Ito’y sa kabila na rin ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendehin ang operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) tuwing ilalagay sa Red Alert ang Luzon at Visayas Grid dahil sa manipis na reserba ng kuryente.
Sa isang online presser, sinabi ni ERC Chairperson, Atty. Monalisa Dimalanta na posibleng makapag-ambag dito ang mataas na Generation at Transmission Charge na ipinapataw ng Power Generators gayundin ng Independent Power Producers (IPPs).
Gayunman, hindi pa malinaw ayon kay Dimalanta kung magkano ang magiging dagdag singil sa kuryente lalo’t nakadepende aniya ito sa magiging kuwentahan ng Power Distributors.
Ngunit nilinaw ng ERC, puwede pa rin namang kumuha ng kuryente sa WESM ang mga Power Distributors subalit kapag Red Alert ay iiral ang administered price na itinakda nito gayundin ang secondary price cap.
Maaari ring pumasok ang mga Power Distributor at Cooperatives sa Emergency Power Supply Agreement (EPSA) sa mga supplier ng kuryente para mapanatili ang mababang presyo na ipapasa sa mga konsyumer.
Kasunod nito, naki-usap ang ERC sa mga Power Distributor na kung magdaragdag man ng singil sa monthly billing ng kanilang mga konsyumer, dapat hindi ito maging biglaan kundi maging pautay-utay. | ulat ni Jaymark Dagala