Kinilala ng gobyerno ng Taiwan ang ilan sa mga natatanging Pinoy workers doon kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Paggawa noong nakaraang linggo.
Kinilala ng Ministry of Labor ng Taiwan sina Angel Vie Gonzales Corral at Maylyn Coderis Bajar bilang National Model Worker para sa kanilang mga espesyal na kontribusyon at mga tagumpay sa kanilang mga trabaho.
Anim na taon nang nagsisilbi si Corral sa isang factory sa Taiwan kung saan kinilala rin ito para sa kanyang outstanding performance bilang production line leader.
Habang si Bajar naman ay isang home-based caretaker sa New Taipei nang siyam na taon, kung saan nagpamalas nito ang dedikasyon sa pag-alaga sa kanyang employer na may Parkinson’s disease.
Kapwa tinanggap nina Corral at Bajar ang plake, medalya, at premyong salapi, kasama ang pagkakataon na personal na makita ang Pangulo ng Taiwan na si Tsai Ing-wen.
Nagpaabot din ng karagdagang mga certificates at cash prize ang Manila Economic and Cultural Office sa Taiwan (MECO) sa dalawang model Pilipino workers sa pangunguna ng Chairman nito na si Silvestre Bello III.| ulat ni EJ Lazaro