Iniulat ng National Economic and Development Authority (NEDA) na inaprubahan na rin ng NEDA Board ang iba pang mga proyekto ng pamahalaan para sa mga Pilipino.
Kabilang na rito ang modified rates sa import duties para sa mga electronic o e-vehicle, mga spare parts at components nito sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act.
Dahil dito, mananatili ang “zero” tariff rates para sa mga e-vehicle gaya ng e-bike at e-trike hanggang 2028 partikular na iyong mga nasasakupan ng Executive Order No. 12
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, layon nito na mapalakas pa ang market para sa mga e-vehicle para maitaguyod ang isang ligtas at maka-kalikasang transportasyon sa bansa.
Samantala, inaprubahan din ng NEDA Board ang iba pang proyektong pang-imprastraktura ng Pamahalaan gaya ng Facility for Accelerating Studies for Infrastructure (FAST-Infra), Infrastructure for Safer and Resilient Schools Project.
Gayundin ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (Project SPLIT) at ang full disbursement para sa Light Rail Transit (LRT) Line 2 East Extension na kasalukuyan nang napakikinabangan ng publiko. | ulat ni Jaymark Dagala