Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang bagong polisiya ng China na magpapahintulot sa kanilang Coast Guard na arestuhin ang mga dayuhan na papasok sa inanangkin nilang teritoryo.
Giit ni Castro, mas may karapatan ang Pilipinas na ipatupad ito dahil ang China ang nanghihimasok sa ating territorial waters at exclusive economic zone.
“This is highly condemnable and is not even legal. China has no right to impose such a regulation. If any country has a right to arrest foreigners, it is the Philippines. China is the one trespassing in our territorial waters and our exclusive economic zone, and now it has the gall to say that they would arrest non-Chinese in our waters,” ani Castro.
Pinapalala lamang din aniya ng China ang tensyon sa West Philippine Sea dahil dito.
Payo nito maghain muli ang Pilipinas ng kaso laban sa China sa Permanent Court of Arbitration at maging sa United Nations.
Sabi pa ni Castro, hindi malayong may kinalaman ang bagong polisiyang ito ng China sa napaulat na gentleman’s agreement ni Dating Pang. Rodrigo Duterte sa naturang bansa.
“I believe that China is also going to use this secret deal to justify their new policy of arresting non-Chinese in the areas they are claiming that are well within our EEZ,” sabi ni Castro.
Kaya naman malaking bagay na uumpisahan na ng Kamara ang imbestigasyon dito.
Bukas, May 20, itinakda ang pagdinig tungkol sa isyu sa pangunguna ng House Committee on National Defense and Security kasama ang Special Committee on West Philippine Sea.
“Halos isang taon na nung i-file namin ang House Resolution 1216 para imbestigahan ito pero ngayon lang didinggin. Sana maliban din sa mga opisyal ng Malacañang dati tulad ni Harry Roque ay ipatawag din mismo si Duterte dahil siya mismo ang may alam sa kanilang usapan ni Xi Jinping,” sabi pa ng mambabatas.| ulat ni Kathleen Forbes