Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na maaaring gamitin sa imbestigasyon ng mga awtoridad ang naging testimonya ni dating WESCOM Chief Vice Admiral Alberto Carlos.
Sa naging pagdinig kasi ngayong araw ng Senate Committee on National Defense, inamin ni Carlos na nagkaroon siya ng telephone conversation sa isang Chinese military attache noong Enero pero sa pag-uusap na iyon ay wala aniyang napag usapan tungkol sa ‘new model’ o anumang kasunduan tungkol sa teritoryo ng ating bansa.
Ayon kay DOJ senior state counsel Atty. Fretti Ganchoon, ito ang unang pagkakataon na narinig nila ang testimonya ni Carlos.
Sinabi rin ni Ganchoon na pwedeng magamit ang testimonyang ito para mapatunayang may nangyaring telephone conversation at na ini-record ito.
Kung sakali ay maaari aniya itong maikonsidera bilang paglabag sa wiretapping law ng Pilipinas (RA 4200)
Una nang nagkasa ang National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa akusasyon na nagkaroon ng wiretapping sa pag-uusap na ito nina Carlos at ng isang Chinese military attache.
Gayunpaman, nilinaw ni Ganchoon na nagiging maingat sila sa pagbusisi sa isyung ito bilang may kasalukuyang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea. | ulat ni Nimfa Asuncion