Nagpasalamat ang Department of Agriculture (DA) sa mga tollway operator sa Luzon dahil sa pagbibigay ng diskwento sa mga truck na nagdadala ng mga produktong agrikultural.
Sa ilalim ng Agri-Trucks Toll Rebate initiative, na ipatutupad simula sa June 1, hindi na magbabayad ng dagdag toll fee ang mga DA-accredited trucker na dumadaan sa mga pangunahing tollway tulad ng NLEX, SCTEX, at SLEX.
Layon ng programang ito na makatulong sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng bigas, na isa sa mga pangunahing dahilan ng mataas na inflation.
Nagpapasalamat naman si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. kay Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. at sa Department of Transportation (DOTr) sa pag-apruba ng toll rebates para sa mga trucker.
Malaking tulong aniya ito para mapagaan ang pasanin ng mga mamimili.
Patuloy rin daw ang DA sa paghahanap ng mga paraan para mapababa ang presyo ng mga produktong agrikultural, kabilang na ang pagbibigay ng mas maraming suporta sa mga magsasaka upang mapataas ang kanilang ani at mapababa ang gastos sa produksyon. | ulat ni Diane Lear