Binalewala ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang pahayag ng Chinese Embassy
na may hawak umano silang recording ng pakikipag-usap ng Chinese diplomat kay AFP Western Command Chief Vice Admiral Alberto Carlos ukol sa sinasabing “new deal” sa Ayungin Shoal.
Sa isang kalatas, sinabi ni Gen. Brawner na hindi na dapat pag-ukulan ng pansin ang pahayag ng Chinese Embassy dahil mistula itong “malign influence effort” ng Chinese Communist Party (CPP).
Ayon sa AFP chief, madaling i-peke ang mga transcript at maaring gumawa ng mga audio recording gamit ang “deep fakes.”
Giit ni Brawner, ang naturang pahayag ng Chinese Embassy ay nagsisilbi lamang para ilihis ang atensyon ng publiko sa agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS).
Nanawagan naman si Gen. Brawner sa publiko at sa media na maging maingat sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magpalala ng tensyon sa WPS. | ulat ni Leo Sarne