Bahagyang tumaas ang bilang ng mga pilipinong walang trabaho sa bansa nitong marso.
Batay sa pinakahuling labor force participation survey ng PSA, naitala sa 3.9% ang unemployment rate o katumbas ng 2 milyong pilipino na walang trabaho noong marso.
Mas mataas ito sa 3.5% na unemployment rate noong pebrero gayunman, mababa ito kung ikukumpara sa 4.7% na naitala ng kaparehong buwan noong 2023.
Kasunod nito, nasa 96.1% ang employment rate o katumbas naman ng 49.15 milyong pilipino na may trabaho sa bansa.
Samantala, mula sa 12.4% ay bumaba naman sa 11% ang underemployment rate o bilang ng mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan.
Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, kabilang sa mga sektor na may malaking idinagdag sa bilang ng mga may trabaho kumpara noong 2023 ang wholesale at retail trade, manufacturing, at public administration at defense.
Habang kabilang naman sa mga sektor na bumaba ang bilang ng mga may trabaho o negosyo kung ikukumpara ang Marso 2024 sa Marso 2023 ay ang agriculture at forestry, fishing at aquaculture at pati ang ccommodation at food service sector. | ulat ni Merry Ann Bastasa