Pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 1683 na kumikilala at bumabati sa University of the Philippines College of Law matapos magwagi sa prestihiyosong 2024 Philip C. Jessup International Law Moot Court Competition na ginanap sa Washington D.C. sa Estados Unidos noong Abril 6.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, na nagtapos ng kaniyang law degree sa UP, isang karangalan na naman ang ibinigay ng UP College of Law sa bansa sa pagkakasungkit sa Jessup trophy.
Ang Jessup ay isang simulation ng fictional dispute sa pagitan ng mga bansa sa harap ng International Court of Justice.
Magpapagalingan ang mga law students sa pamamagitan ng oral and written pleadings para manalo.
Tinalo ng UP Law ang Universidad Torcuato Di Tella of Argentina para masungkit ang makasaysayan nitong Jessup Cup. Binubuo sila nina Mary Regine Dadole, Pauline De Leon, Pauline Samantha Sagayo, Chinzen Viernes at Ignacio Lorenzo Villareal, kasama ang coash na si Professor Marianne Vitug at faculty advisor Professor Rommel Casis.
Ang Jessup Competition ay ipinangalan kay Philip C. Jessup, na kinatawan ng Estados Unidos sa International Court of Justice, at napili ng United Nations na magsilbi ng siyam na termino noong 1961.
Bibigyan naman ng kopya ng resolusyon ang UP College of Law. | ulat ni Kathleen Forbes