Nakipagdayologo na ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela sa mga private medical institution para talakayin ang bagong pasang Anti-Hospital Detention Ordinance sa lungsod.
Pinangunahan mismo ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian ang pakikipagpulong sa healthcare institution owners kabilang ang ospital, lying-in, diagnostic centers at clinics.
Layon ng Ordinance No. 1178 Series of 2024 na protektahan ang karapatan ng mga pasyente sa Valenzuela at nang hindi na mabiktima pa ng Palit Ulo scam.
Sa ilalim ng ordinansa, may itatakdang kauukulang parusa sa mga ospital o healthcare workers na magde-detain ng kanilang pasyente o kaanak dahil lang sa hindi nabayarang bill.
Hindi rin maaaring gawing dahilan ng ospital ang non-payment ng mga pasyente para hindi ito mag-isyu ng birth o death certificates basta’t may maisumiteng notarized promissory note ang pasyente o kaanak nito.
Matatandaang unang lumutang ang ‘Palit Ulo Scam’ sa ACE Medical Center noong nakaraang buwan matapos na idetine ng ilang satff nito ang mga biktima dahil hindi pa sila nakakapagbayad ng hospital bill. | ulat ni Merry Ann Bastasa