Nasa limang malalaking manufacturer ang nagpahayag sa pamahalaan na magpapatupad ng voluntary price freeze sa kanilang mga produkto.
“Kasama dito sa voluntary price freeze natin ang processed meat, may mga processed meat items tayo; mayroon tayong processed milk items; mayroon tayong bottled water; mayroon tayong instant noodles, so iyan po, iba-iba po iyong mga items na kasama.” —Nograles.
Ito ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles ay sa gitna na rin ng mga ginagawang paghahanda ng pamahalaan sa pagtama ng La Niña sa Pilipinas.
“In general po iyong iba po dito ay effective until July 10, iyong iba naman po effective until June 30; iba-iba po iyong effectivity dates nila.” —Nograles
Sila aniya sa DTI, maglalabas ng price guide na magsisilbing basehan ng mga consumer.
Ipapaloob aniya nila dito ang lahat ng items na hindi gagalaw ang presyo sa loob ng 60 araw.
“For the guidance of consumers ay maglalabas po tayo ng price guide na itatala po natin lahat ng mga items na hindi po gagalaw ang presyo; voluntarily po iyan on the part of manufacturers for a period of 60 days.” —Nograles.
Sabi ng opisyal, regular ang kanilang pakikipagpulong sa mga manufacturer at retailer sa bansa.
Kabilang aniya sa mga natalakay ang magiging pagbabago sa SRP Bulletin, lalo na sa gitna ng usapin sa presyuhan sa mga pangunahing produkto.
“Dati nagkaroon tayo ng issue ng ‘shrinkflation’ – so, bilang tulong po sa ating mga consumers, iyong lalabas na SRP Bulletin natin ay mayroon na tayong ilalagay na unit cost ng mga bilihin – ibig sabihin, makikita na natin kung magkano ang presyuhan ng bilihin per gram; per ml; per unit cost nila – ito iyong magiging mark natin para malaman natin iyong mga nagtataas o hindi gumagalaw ang presyo pero binabawasan ang timbang or binababaan ang presyo pero napakalaki naman ng pagbawas ng timbang.” —Nograles. | ulat ni Racquel Bayan