Nagkaisa sa pagtakbo at lakad bitbit ang pambansang watawat ng Pilipinas ang mga parishioner ng isang simbahan sa Quezon City sa isinagawang “BandeRun for Peace and Sovereignty.
Pinangunahan ng kilalang running priest na si Fr. Robert Reyes ang naturang aktibidad na isinagawa sa kahabaan ng Congressional Avenue sa Quezon City nitong linggo.
Litaw na litaw ang damdaming makabayan ng bawat isang lumahok rito na nakasuot ng puting damit habang buong pagmamalaking iwinawagayway ang iba’t ibang sukat ng bandila.
Hangad ng naturang solidarity run na makamit ang kapayapaan at soberanya sa West Philippine Sea.
Pakikiisa rin ito sa pagkundena sa panibagong insidente ng water cannon ng China sa barko ng Pilipinas.
Bukod sa ‘BandeRun for Peace and Sovereignty,’ una na ring nanguna sa isang misa si Fr. Robert Reyes o ang ‘Kandila at Bandila’ na panalangin para sa kapayapaan sa West Philippine Sea. | ulat ni Merry Ann Bastasa