Kapwa pinuri nina Assistant Majority Leaders Jay Khonghun at Paolo Ortega ang desisyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumalik sa lumang school calendar.
Suportado ng dalawang mambabatas ang pag-apruba ng Presidente na bumalik ang school calendar sa pre-pandemic schedule.
Ayon kay Khonghun, matagal na ang panawagan na makabalik sa dating school schedule ang mga mag-aaral.
Tinukoy nito ang makailang beses na face-to-face class suspension kamakailan dahil sa sobrang init ng panahon.
“Nakita naman po natin, ilang beses nagsuspinde ang mga pampubliko at pribadong paaralan ng face-to-face classes nila dahil na rin sa sobrang init. Kawawa po ang ating mga estudyante at kawawa din po ang ating mga teachers at school personnel if we will subject them again to school during the summer,” sabi ni Khonghun.
Sinabi naman ni Ortega na hindi na conducive o akma na magklase ang mga bata at guro sa gitna ng napakatinding init.
Kaya naman suportado nito ang desisyon ng Chief Executive.
Noon lang April 4, 4,000 mga paaralan ang nagsuspinde ng kanilang face-to-face classes dahil sa mataas na temperatura.
Batay sa rekomendasyon ng Department of Education (DepEd) na inaprubahan ni PBBM, magsisimula ang klase ngayong taon sa July 29 at magtatapos sa April 15, 2025. | ulat ni Merry Ann Bastasa