Inatasan ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng concerned PCG District Commanders na siguraduhin ang zero maritime casualty sa panahon ng pagtama ng Bagyong Aghon sa Pilipinas.
Ayon naman kay PCG Spokesperson CG Rear Admiral Armando Balilo, handa na ang mga deployable response groups at rescue assets nito sa Visayas at Mindanao para sumuporta sa mga kakailanganing local evacuation and rescue operation.
Habang binigyang diin naman ni Admiral Gavan ang koordinasyon sa ibang mga rescue angencies para sa agarang tugon sa mga maritime incidents.
Pinayuhan rin ng PCG ang mga pasahero ng mga sasakyang pandagat na manatiling mapagmatyag at pinaalalahanan ang mga mangingisda na huwag mangisda habang may bagyo.
Pauna na ring naglabas ng mga abiso ang PCG para sa mga mandaragat upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito.
Sa ngayon, patuloy ang pag-monitor ng ahensya sa bilang ng mga na-stranded ng mga pasahero, driver, cargo helper, sa mga pantalan sa Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, at Northeastern Mindanao.
Gayundin ang mga sasakyang pandagat tulad na mga rolling cargo, vessel, at motorbanca, na hindi makabiyahe dahil sa Bagyong Aghon.| ulat ni EJ Lazaro