Muling nagkasa ngayon ng “Run After Contribution Evaders Activity” (RACE) ang Social Security System (SSS) sa ilang delinquent employers sa bahagi ng Fairview, Quezon City.
Dito, aabot sa 10 establisimyento ang binisita at sinilbihan ng Notices of Violation.
Paalala ito sa mga delinquent employer na hindi nakakapag-comply sa kanilang obligasyon sa ilalim ng RA 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Kabilang sa mga employer na binisita ngayong araw ay isang bus line operator, security agency, machine tools manufacturing.
Ayon sa SSS, lahat ng mga employer na ito ay hindi naghuhulog ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Umabot sa kabuuang ₱8.4-million ang halaga ng delinquency sa mga naturang employer kung saan 238 empleyado ang apektado.
Pinakamalaki naman ang violation ng isang bus line operator na umaabot sa ₱2.6-million ang contribution deliquency kung saan nasa ₱1.8-million ang hindi nababayarang kontribusyon ng kanilang mga empleyado mula pa noong 2013.
Ayon kay SSS VP for NCR North Division Fernando Nicolas, ito na ang ikapitong RACE program na isinagawa sa SSS Fairview.
Oras namang hindi tumugon sa abiso ng SSS ang mga employer na ito, sila ay ire-refer na sa Legal Department para mahainan ng kaso.
Hinikayat din ng SSS ang mga manggagawa na ireklamo ang kanilang mga employer na hindi naghuhulog ng kanilang kontribusyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa