Inaresto ng magkasamang pwersa ng Bureau of Immigration (BI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang tatlong Chinese nationals sa Fontana Leisure Park, Clark Freeport Zone na ayon sa BI ay ilegal na nananatili dito sa bansa.
Naikasa ang nasabing operasyon sa abiso mula sa Clark Development Corporation (CDC) na walang occupancy permit umano ang villa at nang pumasok ang mga ahente ng BI na may mission order mula kay Commissioner Norman Tansingco, dito natagpuan ang tatlong Chinese national na hindi nakapagpakita ng tamang dokumento.
Kinilala ang mga illegal aliens na sina Huan Shuzhen, 23 anyos; Chen Qianfang, 46 anyos; at Huang Zaicheng, 54 anyos; kapwa itinuturing na undocumented aliens.
Dito inaresto ang mga nasabing Chinese at inilipat sa PAOCC facility sa Pasay City.
Nagbabala naman si Commissioner Tansingco laban sa mga illegal alien na inaabuso ang mabuting pakikitungo ng Pilipinas sabay pagbibigay-diin ang pinaigting na pagsisikap ng pamahalaan laban sa iligal na pananatili sa bansa.
Nagpasalamat din si Tansingco sa PAOCC at kanilang mga partner agency para sa ipinakikita nitong suporta laban sa mga illegal aliens.| ulat ni EJ Lazaro