May kinahaharap nang ibang kaso ang 3 sa 4 na pulis na sangkot sa pagdukot sa 3 Chinese at 1 Malaysian national sa Pasay City noong Hunyo 2.
Ito ang kinumpirma sa Radyo Pilipinas ni National Capital Region Police Office Director, PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr., matapos ang ginawa nilang backtracking laban sa 3 suspek na pulis.
Nabatid na ang inirereklamong Police Major ay dati nang nasuspinde dahil sa kasong less grave neglect of duty at grave misconduct dahil sa violation of domicile noong 2020.
May kinahaharap namang grave misconduct ang Police Senior Master Sergeant dahil sa kasong robbery at extortion at natanggal na sa serbisyo noong 2011 subalit nakabalik matapos umapela noong 2019
Habang ang Police Staff Sergeant naman ay nasuspinde na rin dahil sa kasong grave misconduct dahil sa evasion through negligence
Una nang inihayag ni PNP-Internal Affairs Service (IAS) Inspector General, Atty. Brigido Dulay na nagsimula na ang pre-charge investigation laban sa mga sangkot na pulis.
Ayon kay Dulay, target nilang matapos ang naturang imbestigasyon sa loob ng isa hanggang 2 linggo at matapos nito’y isusunod na nila ang summary dismissal proceedings na tatagal ng 30 araw. | ulat ni Jaymark Dagala