Inilagay ng 3rd Infantry Division (3ID) ng Philippine Army sa Red Alert ang lahat ng kanilang Disaster Response Task Units (DRTUs) sa Negros Island, kasunod ng phreatic eruption ng Mt. Kanlaon kagabi.
Ayon kay 3ID Commander Major General Marion Sison, naka-mobilisa na ang mga tropa at kagamitan, maging ang mga Reserve unit para sa Humanitarian Assistance and Disaster Response Operations (HADRO) sa mga komunidad sa bisinidad ng Mt. Kanlaon.
Sinabi ni Sison na idineploy nila ang iba’t ibang asset sa evacuation, logistic needs at medical aid, para sa mga apektado ng bulkan.
Kasalukuyan aniyang nagsasagawa ng clearing operation ang kanilang mga Engineering unit para lumikha ng ligtas na ruta patungo sa mga evacuation center.
Idine-dispatch naman ang kanilang mga medical team para magbigay ng first aid sa mga apektadong indibidual. | ulat ni Leo Sarne