Tumaas ang bilang ng mga barko ng China na na-monitor sa West Philippine Sea (WPS).
Sa datos na inilabas ng Philippine Navy, tumaas sa 129 ang bilang ng mga barko ng China na na-monitor sa loob ng isang linggo mula Hunyo 18 hanggang 24, mula sa 121 sa naunang linggo.
Sa bilang na ito, apat sa kanilang mga barkong pandigma ang kapansin-pansing nakapwesto sa bisinidad ng Ayungin Shoal.
Noong nakaraang linggo rin ay matatandaan na nag-deploy ang China ng tatlong People’s Liberation Army Navy vessel sa Bajo de Masinloc shoal, ngunit ngayon ay isang barkong pandigma nalamang ang namataan sa lugar.
Bukod sa Ayungin Shoal at Bajo de Masinloc, na-monitor din ang presensya ng mga barko ng China sa iba pang “features” sa West Philippine Sea na kontrolado ng Pilipinas, tulad ng Sabina Shoal, Julian Felipe Reef, at mga isla ng Pag-asa, Parola, Kota, Likas, Lawak, Panata, at Patag. | ulat ni Leo Sarne