Kinumpirma ni Eastern Police District (EPD) Director, Police Brig. Gen. Wilson Asueta ang pagsibak nito sa apat na tauhan ng kanilang Special Weapons and Tactics (SWAT) na namataan sa isang pribadong event sa lungsod.
Ito’y kasunod ng naunang babala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. sa mga pulis na sangkot sa tinatawag na “moonlighting.”
Gayunman, nilinaw ni Asueta sa panayam na hindi taga-Batangas ang mga naturang SWAT na nakita sa event kundi mula sa Pasig SWAT unit.
Layon ng naturang hakbang na bigyang-daan ang imbestigasyon hinggil sa insidente.
Aniya, nagsilbing security ang apat na SWAT ng Pasig sa soft launching ng isang networking company noong June 22 sa bahagi ng Brgy. San Antonio.
Nagsasagawa lamang aniya ang mga ito ng visibility patrol nang lapitan sila ng isang babae at inimbitahan silang pumasok sa loob ng gusali at doon ay nagpakuha sa kanila ng retrato.
Ito na ani Asueta ang mga larawang nakarating sa kalihim at tila nilagyan na ng malisya na in-good faith at walang escort na nangyari. | ulat ni Jaymark Dagala