Pinag-aaralan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng ban sa promosyon ng mga pulis na masasangkot sa katiwalian sa loob ng limang taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, ito’y kung ang tiwaling pulis ay minsan nang na-demote o di kaya’y nasuspinde na dahil sa kinasasangkutan nilang kaso.
Sa ilalim kasi ng Republic Act 9708, hindi maaaring ma-promote ang isang pulis kung may kinahaharap itong kaso at dinirinig ito sa loob ng dalawang taon.
Pero kung sakaling maaprubahan ang bagong panuntunan, madaragdagan ng tatlong taon ang paghihirap ng mga tiwaling pulis bago makakuha ng promosyon dahil kailangan muna nilang malusutan ang kanilang kasong kinahaharap.
Subalit, kung ang pulis ay ma-promote ngunit hinatulan ng korte dahil sa kaniyang nagawa, maaari itong bawiin at madaragdagan pa ng mga kaukulang kaparusahan. | ulat ni Jaymark Dagala