Inaasahang bubuksan na sa publiko sa buwan ng Hulyo ang emergency lay-bys para sa mga motorsiklo at bisikleta sa ilalim ng flyover ng EDSA, C5 at Commonwealth Avenue.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Ron Artes, target ng ahensya na makapagtatag ng hindi bababa sa 14 na motorcycle lay-bys sa mga nabanggit na lugar.
Ang emergency lay-bys ay magagamit ng riders para humimpil sa panahong may malakas na mga pag-ulan.
Kahapon, nagsagawa na ng inspection ang MMDA sa isa sa mga motorcycle lay-by sa ground level ng Quezon Avenue flyover sa Quezon City.
Sinabi pa ni Artes na may mga MMDA personnel na rin silang sinanay para umasiste sa mga rider na mangangailangan ng emergency assistance.
Ang mga lay-bys ay nilagyan na rin ng basic repair shop at vulcanizing tools para magamit ng mga rider at siklista sa emergency na pangangailangan. | ulat ni Rey Ferrer