Ipina-contempt ng House Committee on Public Order and Safety ang walong pulis mula Lucena na sangkot sa illegal raid at harassment ng isa sa mga witness sa hiwalay na imbestigasayon ng Kamara ukol sa iregularidad sa SK elections.
30 araw na madedetine sa Kamara sina Capt. Aaron Herrera, Master Sgt. Richie Yuayan, Staff Sgt. Henry Mago, Staff Sgt. Junar Cabalsa, at Corporals Rainier Zaballa, Allan Abdon, Wilson Bantilan at Rene John Bartolata.
Sa pagdinig ng komite, ipinakita ang isang CCTV footage kung saan makikita ang ilang kalalakihan na bumaba ng sasakyan at pasugod sa bahay ng witness na si Renelyn Rianzales.
Nang usisain ng komite ang mga pulis kung sila ba ito, ay in-invoke nila ang right to self incrimination.
Ngunit ayon kay Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, chair ng komite, in aid of legislation lang ang kanilang pagdinig at ang mga ganitong pahayag ay nagdudulot ng pagdududa.
“Ayan ang hindi niyo dapat ginagawa sa hearing. We are just in aid of legislation. Mag da-doubt na agad kami sa mga lengguwahe mo,” sabi ni Fernandez.
Maliban dito, wala ring maipresentang pre-plan documentation ang mga pulis para sa sinasabing operasyon.
“Kung ganyan ang ginagawa ng lahat ng kapulisan natin sa buong Pilipinas, mawiwindang ang mga kababayan natin dahil nag-ooperate kayo without the proper documentation being planned,” giit ni Fernandez.
Dahil sa paulit-ulit na pagtanggi na sumagot ay nagmosyon na si Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano para sila ay ipa-contempt. | ulat ni Kathleen Jean Forbes