Walong libong benepisyaryo sa Leyte ang naabutan ng tulong sa pamamagitan ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program at Integrated Scholarship and Incentives for the Youth (ISIP for the Youth) Program.
Mismong si Speaker Martin Romualdez ang nanguna sa pamamahagi ng tulong pinansyal at pabigas sa may 5,000 kwalipikadong benepisyaryo ng CARD program.
Nakatanggap sila ng tig-P5,000 na financial aid sa pamamagitan ng AICS program ng DSWD at tig 20 kilo ng bigas.
“Tuloy-tuloy po ang ating tulong sa mga kababayan nating nangangailangan ng ayuda mula sa vulnerable sectors at sa ating mga college students. Kayo po ang ibinilin ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Kongreso na tulungan at siguruhin ang kapakanan sa panahong ito,” sabi ni Speaker Romualdez.
Nasa 3,000 naman na mga magaaral ang nabigyan ng P5,000 na tulong pinansual at tig limang kilong bigas para sa ISIP program.
Ipapasok rin sila sa Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED kung saan maaari sila makakuha ng scholarship assistance kada semestre na nagkakahalaga mg P15,000.
Bibigyang prayoridad din sila sa Government Internship Program (GIP) matapos ang graduation at ipapasok din ang kanilang mga magulang o guardian sa TUPAD.
Kadalasan ay isinasabay ito sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ngunit sabi ni Speaker Romualdez na mahalaga ang dalawang programang ito na direktang tulong sa sektor ng mga qualified na mag-aaral, senior citizens, PWDs, indigenous peoples, single parents at iba pa.
“Dito natin ipinadadama ang kalinga ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., at inilalapit ang serbisyo ng gobyerno para doon sa mga kailangan ng tulong. Saang sulok man kayo ng Pilipinas, aabutin namin kayo,” saad niya.| ulat ni Kathleen Forbes