Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na magiging abot-kaya ang pamasahe para sa limang bagong istasyon ng LRT-1 Cavite Extension project.
Sa isang media briefing sa LRT-1 Dr. Santos Station sa Parañaque City, ipinaliwanag ni Transportation Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino na ang kasalukuyang fare matrix na ₱13.29 boarding fare at ₱1.21 centavos na distance fare kada kilometro ay siya ring ipapatupad sa mga bagong istasyon.
Kabilang sa mga bubuksang bagong istasyon ang Redemptorist-ASEANA Station, MIA Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Avenue Station.
Inaasahang magsisimula ang operasyon ng mga ito sa pagtatapos ng taon.
Dagdag pa ni Asec. Aquino, ang pamasahe mula Baclaran Station hanggang Dr. Santos Station ay magiging ₱25, habang ang mula FPJ Station hanggang Dr. Santos Station ay ₱45.
Kapag natapos ang LRT-1 Cavite Extension Project, inaasahang magiging 25 minuto na lamang ang biyahe mula Baclaran sa Paranaque hanggang Bacoor, Cavite. | ulat ni Diane Lear