Magpapatuloy ang maritime patrols ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa karagatang sakop ng hurisdiksyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang tiniyak ni AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad sa bisperas ng pagsisimula ng pagpapatupad ng China ng kanilang “Anti-trespassing” policy sa karagatang inaangkin nila, na sumasakop sa bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Giit ni Trinidad, ang Anti-trespassing policy ng China na magiging epektibo bukas Hunyo 15, ay pagbabalewala sa “rule of Law” at sa mga pandaigdigang pamantayan sa “maritime conduct”.
Binigyang diin ng opisyal na ang presensya at aksyon ng mga barko ng China sa karagatan ng Pilipinas ay ilegal, mapagbanta, agresibo at mapanlinlang.
Hindi aniya magpapa-sindak ang AFP, at mananatiling tapat sa kanilang mandato na protektahan ang karapatan ng bansa at kaligtasan ng kanilang mga tauhan at ng mga mamayan sa West Phil. Sea. | ulat ni Leo Sarne