“Business as usual”, ito ang mensahe ng bagong PTV4 General Manager na si Toby Nebrida sa pagharap nito sa mga empleyado ng network sa kanyang unang araw ng trabaho.
Mainit na sinalubong si Nebrida ng mga kawani ng governmentt network na naglaan ng maikling programa para i-welcome ang opisyal sa pagbabalik nito sa istasyon.
Kasama naman ni Nebrida ang ilang opisyal ng Presidential Communications Office kabilang sina Asec. Dale De Vera, PTV Board of Dir. Cris Villogco at PIA Director General Joe Torres.
Una namang binisita ni Nebrida ang newsroom ng network na aniya ay malapit sa kanyang puso bilang dating reporter ng PTV.
Kinamusta ng opisyal ang mga dati nang nakasama sa trabaho at iba pang empleyado ng istasyon.
Sa kanya namang mensahe, sinabi ni Nebrida na hangad nitong palakasin pa ang paghahatid ng impormasyon at serbisyo sa publiko ng PTV.
Pinawi rin nito ang agam-agam ng ilang kawani sa bagong liderato sa istasyon at tiniyak na ito’y makikinig sa hinaing ng mga empleyado.
Kasunod nito, hiniling ni Nebrida ang pakikiisa ng lahat at pagiging masigasig sa trabaho.
Target naman ni Nebrida na makausap ang mga hepe ng operating units ng PTV sa mga susunod na araw.
Matatandaang nanumpa na rin sa pwesto kahapon si Nebrida sa harap ni Communications Sec. Cheloy Velicaria-Garafil. | ulat ni Merry Ann Bastasa