Pansamantalang isasara sa mga motorista ang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Sto. Tomas Pampanga simula sa Hunyo 20 hanggang 24 ngayong taon.
Sa abiso ng NLEX Corporation, bibigyang daan nito ang konstruksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa NLEX Sto. Tomas Interchange sa Pampanga area.
Sa bahagi ng Northbound paglampas ng tulay ng Pau River, apektado ng closure ang 500-meter portion ng lane 1 mula alas-9:00 ng gabi ng Hunyo 20 hanggang alas-12:00 ng gabi ng Hunyo 24.
Ganito din sa bahagi ng Southbound ng NLEX, 500 metro din ang haba ng kalsada ang isasara hanggang alas-5:00 ng umaga kinabukasan.
Paulit-ulit na isasara ang bahagi ng Southbound Lane tuwing gabi at bubuksan sa umaga hanggang sa ika-24 ng Hunyo.
Ngayon pa lang, hiningi na ng NLEX Corporation ang kooperasyon at pang-unawa ng mga motorista sa magiging abala dulot ng pagsasara ng kalsada. | ulat ni Rey Ferrer