Sinagot ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang mga alegasyon na iniuugnay ang kanyang amang si Angelito Guo sa money laundering activities sa Pilipinas.
Sa liham na ipinadala ng alkalde sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ipinaliwanag ni Guo na hindi lang sa Pilipinas negosyante ang kanyang ama kundi maging sa ibang bansa.
Aniya, madalas na lumalabas ng bansa ang kanyang ama para asikasuhin ang kanyang mga negosyo at wala siyang kinalaman sa POGO activities o anumang ilegal na gawain.
Binigyang-diin pa ni Guo na ang pangunahing negosyo ng kanyang ama ay ang embroidery na matagal nang itinayo sa bansa.
Pinabulaanan rin ng alkalde ang paratang na nagpabaya siya bilang local chief executive kaya naitayo sa kanilang lugar sa Bamban Tarlac ang na-raid na POGO hub.
Paglilinaw ni Guo, ang mayor’s permit na kanyang inisyu sa Zun Yuan ay batay sa kumpletong dokumentong isinumite nito matapos makuha ang permit mula sa PAGCOR.
Naninidgan din ang alklade na si Amelia Leal ang kanyang ina at hindi si Lin Wen Yi.
Si Wen Yi aniya ay kinakasama at business partner ng kanyang ama.
Umapela rin si Mayor Alice sa mga senador at sa publiko na pakinggan muna ang kanyang mga paliwanag bago siya husgahan at inaming labis siyang nasasaktan na tinatawag siyang espiya ng China.
Sa huli, binigyang-diin ni Guo na wala siyang kinalaman sa anumang ilegal na aktibidad sa Bamban, Tarlac at wala rin aniyang basehan ang mga alegasyon sa kanya.
Kaninang umaga ay nagsagawa ng executive session ang senate committee on women kasama ang ibat ibang ahensya ng gobyerno para talakayin ang mga isyu sa POGO maging ang kaugnayan ng alkalde sa POGO operations. | ulat ni Nimfa Asuncion