Para kay ACT Teachers Partylist Representative France Castro, sapat na ang polisiya at panuntunan ng mga paaralan kaugnay sa paggamit ng mga mobile phone at gadget sa eskuwelahan.
Ito ang tugon ng mambabatas nang mahingan ng reaksyon kaugnay sa panukalang batas na inihain sa Senado para ipagbawal ang paggamit ng mobile phone at iba pang gadget.
Sinabi ni Castro, kapag mayroon talagang klase ay hindi naman pinapayagan ang mga estudyante na gumamit ng cellphone.
“Kailangan din nating pag-aralan muna mabuti. Yung advantage and disadvantage. Maaari lang siguro yan i-regulate yung paggamit sa loob ng classrooms. Like, for example, kapag ang mga bata ay… nasa lecture, nasa laboratory… yun talaga, dapat walang mga cellphone,” sabi ni Castro.
Ngunit dapat din ikonsidera na minsan, mas episyente para sa mga mag-aaral ang paggamit ng gadget gaya ng tablet o laptop sa pagkuha ng mga notes o paggawa ng research.
Sinabi pa ng Teacher solon na kailangan din ng mga teacher ng access sa cellphone lalo na sa panahon ng emergency.
Dagdag pa ni Castro, alam naman ng mga teacher at mga estudyante na nasa mas mataas na baitang kung kailan ang tamang oras ng paggamit ng mobile phone at ibang gadget. | ulat ni Kathleen Jean Forbes