Nananatiling malikot ang presyuhan ng mga agricultural product sa mga pamilihan.
Sa Agora Public Market sa San Juan City, naglalaro sa Php 10 hanggang Php 40 ang itinaas ng kada kilo ng ilang gulay lalo na iyong mga galing ng norte.
Subalit may ilan namang gulay na bumaba ng hanggang Php 30 ang kada kilo.
Kabilang sa mga gulay na tumaas ang presyo ay ang Carrots na nasa Php 110 na ang kada kilo; Pechay Baguio na nasa Php 140 ang kada kilo habang ang Sayote ay nasa Php 70 na ang kada kilo.
Bumaba naman ang presyuhan ng Kamatis na nasa Php 70 ang kada kilo gayundin ang Calamansi na nasa Php 120 na ngayon ang kada kilo.
Ayon sa mga tindero ng gulay, hindi pa nila ramdam ang epekto ng rebate sa toll fee bunsod ng ipinatupad na exemption sa toll rate hike ng mga truck na naghahatid ng agri-products.
Simula nitong Sabado, exempted na sa toll rate hike ang mga truck na naghahatid ng kanilang produkto na dumaraan sa NLEX, SLEX, CAVITEX at Muntinlupa – Cavite Expressway basta’t accredited sila ng Department of Agriculture (DA).
May rebate ding makukuha ang mga DA accredited trucks na daraan sa SMC operated toll na naglalaro sa Php 2 hanggang Php 30 depende sa klase ng sasakyan. ulat ni Jaymark Dagala