Naglipana ngayon ang mga frozen na galunggong na ibinebenta sa Pasig City Mega Market.
Katunayan, may ilang nagtitinda pa ang naabutan ng Radyo Pilipinas na nagbabaklas ng kanilang mga panindang frozen na isda.
Paliwanag ng ilang nagtitinda ng isda, pahirapan ang bentahan ngayon ng mga sariwang galunggong dahil sa sobrang mahal ng presyuhan nito.
Sa ngayon kasi, naglalaro sa ₱240 hanggang ₱280 ang bentahan ng kada kilo ng sariwang galunggong na pasok naman sa Bantay Presyo ng Department of Agriculture (DA) na ₱160 hanggang ₱280 ang kada kilo.
Pero di-hamak na mas mura ang frozen na mga galunggong na naibebenta lamang sa ₱200 ang kada kilo.
Una nang kinuwestyon ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagtaas ng presyo ng galunggong gayundin ng iba pang isda sa kabila ng pagiging sapat ng suplay nito.
Sinabi rin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nananatiling matatag ang suplay ng galunggong sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala