Kinumpirma ng Bureau of Immigration na totoo ang dokumentong isinapubliko ni Senador Sherwin Gatchalian tungkol sa isang Guo Hua Ping, na pinaniniwalaan ng senador na siyang tunay na pangalan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval, nakuha nila ang dokumentong ito mula sa board of investments bilang bahagi ng application for visa ni Guo Hua Ping noon.
Base aniya sa mga dokumento, dependent si Guo Hua Ping ng kanyang ina na si Lin Wenyi sa investor’s visa nito.
Pero nakansela rin itong investor’s visa ni Guo Hua Ping noong 2011.
Hindi pa naman masabi ngayon ng BI kung iisang tao lang sina Mayor Alice at itong si Guo Hua Ping.
Iginiit ni Sandoval na ayaw nilang ipreempt ang ginagawang imbestigasyon ngayon.
Aminado naman ang opisyal na marami na rin silang mga nahuhuling mga dayuhan na nakakapagpresenata ng iba’t ibang Philippine documents, hindi lang mga Philippine passport.
Maganda aniyang matutukan ang ganitong mga kaso parea matuldukan ang pagkuha ng mga illegal aliens ng Philippine documents. | ulat ni Nimfa Asuncion