Ipinahayag ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang pasasalamat nito sa Legilative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa kanilang hakbang upang iprayoridad ang bagong Immigration Law.
Ayon kay Tansingco, taong 1940 pa naipasa ang umiiral na Immigration Law sa bansa kaya’t napapanahon na umano na i-modernize ito upang tugunan ang nagbabagong mga pagsubok ngayon sa immigration at border security.
Inilahad din ng BI Commisioner, na layunin ng bagong batas na mas epektibong malabanan ang human trafficking, iligal na recruitment, at mga transnasyonal na krimen, habang pinapabuti ang serbisyo para sa mga dayuhang biumibista sa bansa at mga Pilipino.
Umaasa naman si Tansingco sa pakikipagtulungan sa Kongreso upang agad na maipasa ang panukalang batas.
Kasama ang New Immigration Law sa agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naganap na LEDAC meeting nitong linggo kung saan may 28 mahahalagang panukalang batas ang prayoridad maaprubahan bago ang Hunyo 2025. | ulat ni EJ Lazaro