Suportado ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan ang hakbang ng pamahalaan na magsumite ng resolusyon sa United Nations ang Pilipinas para iparehistro ang pinalawak na continental shelf o extended continental shelf (ECS) nito sa Western Palawan sa West Philippine Sea.
Ayon kay Yamsuan, isa itong paraan para mas igiit pa ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang katubigan gayundin ay ma-protektahan ang ating mga mangingisda mula sa patuloy na pambu-bully ng China.
“All these measures demonstrate how the Philippines has resorted to restraint in dealing with this national security concern,” ani Yamsuan.
Una nang sinabi ng DFA na ang hakbang na ito ay nagpapakita sa maritime entitlement ng bansa at pagsunod sa proseso ng UNCLOS.
Dagdag pa ng Bicolano solon na ang diplomatikong pamamaraan ng Pilipinas ay makatutulong upang makakuha pa ng suporta mula sa international community para sa pagtindig laban sa China.
“Our calibrated response will help us sustain the support we have earned from the international community as shown by the latest pronouncement of the G7 bloc condemning China’s increasing use of dangerous tactics in the WPS,” paglalahad pa ni Yamsuan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes